Hinikayat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang mga Pilipino na samantalahin umano ang mga job fairs na alok ng gobyerno na tinatawag na “Trabaho sa Bagong Pilipinas.”
Sa kaniyang talumpati sa Tagum City sa Davao noong Sabado, Pebrero 15, 2025, hinimok pa ng Pangulo na makiisa ang mga mamamayan sa pagdalo sa mga job fair na nilalatag ng pamahalaan.
“Hangad ko po ang inyong tagumpay. Kakambal nito ay ang aking panawagan na sana po ay mapalawig pa ninyo ang mga pagkakataon at oportunidad na nasa inyong harapan,” anang Pangulo.
Tinatayang nasa mahigit 9,068 ang job applicants ang naitala sa ilalim ng nasabing programa mula Enero 2025 habang 1,028 naman ang na-hire on the spot. Nakapagtala rin umano ng 95 na 4Ps beneficiaries ang na-hire sa Trabaho sa Bagong Pilipinas job fair.
Layunin ng nasabing job fair na makapagbigay ng trabaho partikular na sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Plano aniyang matulungan ng administrasyon ang nasa 4.4 milyong pamilya nasa ilalim ng 4Ps kung saan 263.238 sa mga ito ay nagmula sa Davao region.