Inamin ng lead star at creative director ng nangungunang action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo" na si Coco Martin na dapat daw, hanggang pilot episode lamang ang pagganap ng Kapamilya actor na si McCoy De Leon sa nabanggit na serye, subalit na-extend ito nang na-extend dahil sa husay niya sa pag-arte bilang si "David."
Iyan ang rebelasyon ni Coco sa naganap na press conference kaugnay sa pagpasok ng Book 2 ng serye, kasama ang mga bago at bigating artistang mapapasama sa cast.
Biro pa ni Coco, parang "pusa" raw si McCoy dahil sa tuwing naiisip na raw patayin ang kaniyang karakter sa serye, ay hindi magawa-gawa dahil mas lalo pa raw nitong ginagalingan. Nanghihinayang daw si Coco sa maiaambag pa ni McCoy sa nabanggit na palabas.
“Si David talaga, si McCoy, ang original niya, hanggang pilot lang siya. Kinausap ko na siya,” pahayag ni Coco.
“Pero dahil ngayon nakita namin 'yong pagpupursigi, talagang gusto niya matuto, nakita namin 'yong galing, 'yong willingness, hayan, umabot na ng two years."
“Sabi nga namin, ‘May pagkasa-pusa 'to. Kapag malapit na namin patayin, laging ginagalingan na nanghihinayang kami, kasi nga 'di ba, as in, parang sayang naman. Parang nakakatulong siya sa show eh. Ang daming mga incident na gano'n.”
Samantala, sinabi naman ni McCoy na grateful siya kay Coco at sa Batang Quiapo dahil nailabas ang husay niya sa pagiging kontrabida.
“Na-discover ko na pang-kontrabida rin pala ako. Actually, masaya pala. Ngayon ko na lang naramdaman ulit from mga love team,” saad ni McCoy.
Dagdag pa niya, “Ngayon ko naramdaman na mas effective pala ako na masamang tao. At hindi ko magagawa ‘yon kung hindi sa paggawa ng karakter ni ‘David.’”
KAUGNAY NA BALITA: McCoy, masaya sa pagiging kontrabida; mas epektibo maging 'masamang tao'