Isang bangkay ng bagong libing na 82-anyos na babae ang naiulat na ninakaw mula sa libingan nito sa isang public cemetery sa Albay.
Ayon sa ulat ng 91.5 Brigada News FM Legazpi City nitong Linggo, Pebrero 16, 2025, isang sepulturero ang nakakita sa butas na nitso ng biktima. Agad umano itong ini-report ng barangay ng San Isidro sa kapulisan.
Batay sa ulat ng pulisya, kabaong na lamang umano ang kanilang naatagpuan mula sa nito nitso ng biktima. Napag-alaman ding noong Sabado lamang, Pebrero 15 inilibing ang biktima.
Samantala, kinalaunan ay nahanap din ang mismong bangkay ng biktima na tinatayang nasa 100 metro ang layo mula sa kaniyang nitso. Lumalabas sa imbestigasyon na tila kinaladkad ng suspek ang naturang bangkay.
Nagtamo rin ng galos sa mukha ang bangkay ng biktima at natuklasang nawawala ang underwear nito.
Nasa funeraria na ang bangkay ng biktima at plano rin umano ng mga kaanak nito na isailalim siya sa autopsy.