Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte nitong Sabado, Pebrero 15, ang kaniyang pagkamangha sa Banaue Rice Terraces nang bumisita siya sa Ifugao kamakailan.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Duterte na first time niyang makapunta sa Rice Terraces at masaya raw siya sa naging karanasan niya rito.
“Binisita natin ang kilalang tourist spot sa ating bansa na Banaue Rice Terraces noong bumisita tayo sa lalawigan ng Ifugao,” ani Duterte.
“Masaya ako dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakapunta ako sa naturang lugar.
Kahit na maulan at makulimlim ang panahon ay tanaw pa rin ang kagandahang taglay nito mula sa viewing deck.”
Kaugnay nito, binanggit ng bise na talaga raw na maipagmamalaki sa mundo ang magagandang tanawing matatagpuan sa Pilipinas.
“Namangha ako sa ganda ng lugar at lamig ng klima. Palagi kong sinasabi na tunay na maganda ang ating bansa na maipagmalaki natin sa buong mundo,” saad ni Duterte.
Kamakailan lamang ay ibinahagi naman ni Duterte ang kaniyang naging pagbisita sa Nueva Vizcaya kung saan namili raw siya doon ng mga gulay.
MAKI-BALITA: VP Sara, bumili ng gulay sa Nueva Vizcaya: ‘Masayang-masaya ako sa’king mga pinamili’