Nausisa na namang muli si Kapuso star Ruru Madrid tungkol sa salpukan ng teleserye nilla ni Kapamilya Primetime King Coco Martin.
Sa latest episode ng “Ogie Diaz Inspires” noong Biyernes, Pebrero 14, muling iginiit ni Ruru ang paghanga niya sa actor-director ng hit primetime series na “FPJ’s Batang Quiapo.”
“Sa totoo lang, never pong sumagi sa isip ko na maging katapat si Sir Coco. [...] Simula pagkabata ko, lahat ng teleserye ni Sir Coco pinanood namin ng nanay ko, kaming dalawa. Lahat, gabi-gabi ‘yan,” saad ni Ruru.
Dagdag pa niya, “Lahat po ‘yan pinapanood namin ng nanay ko. Kasi sobrang fan po ‘yong nanay ko ni Sir Coco. Pati ‘yong lola ko. Growing up sobrang iniidolo ko po siya.”
Kaya naman napasakarap daw sa puso na nagkaroon daw ngayon si Ruru ng oportunidad na makagawa rin ng mga teleserye tulad ni Coco.
“Nagkakataon lang na nagkakatapat po ‘yong time slot namin,” aniya. “Pero never ko pong iisipin na kalaban ko siya. Kahit kailan. Kasi para po sa akin, nasa pedestal siya. Tinitingala ko po siya.“
Matatandaang bago magsimula ang season 2 ng Lolong ay inihayag ni Ruru na masaya raw siya at excited sa ikatlong pagtatapat nila ni Coco.
MAKI-BALITA: Ruru excited, masaya sa ikatlong pagtatapat nila ni Coco