Nagpaabot ng pasasalamat si Mamamayang Liberal (ML) Partylist first nominee Atty. Leila De Lima kay Kapamilya TV host Robi Domingo at bandang Parokya ni Edgar sa pagdalo nila sa kanilang campaign rally sa Cavite noong Martes, Pebrero 11, 2025.
Sa pamamagitan ng kaniyang social media posts nitong Sabado, Pebrero 15, nagpasalamat siya sa mga artistang nakiisa sa kanilang kampanya, lalo na kay Robi at sa OPM band.
"Maraming salamat kay Robi Domingo at Parokya ni Edgar at sa lahat ng artistang nagpakita ng suporta sa ML Partylist," ani De Lima.
Inihayag din ni De Lima ang kaniyang pasasalamat sa mga artistang ginagamit umano ang kanilang impluwensiya at talento sa pakikiisa nila sa pagkamit ng hustisya sa bansa.
"Taking a stand matters—that's why I express deep gratitude to the artists who use their influence, time, talents and skills to support the fight for justice and genuine change," saad ni De Lima.
Matatandaang sa Cavite ikinasa nina senatorial aspirants Atty. Kiko Pangilinan at Bam Aquino ang kanilang kampanya kasama sina dating Vice President Atty. Leni Robredo, ML Partylist at iba pa.
KAUGNAY NA BALITA: Kick-off ng kampanya nina Kiko at Bam, ilulunsad sa Cavite