February 19, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Patuloy pa ring nakaaapekto ang tatlong weather systems na shear line, easterlies, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa bansa ngayong Sabado, Pebrero 15, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line, o ang linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Batanes at Babuyan Islands.

Malaki rin ang tsansang makaranas ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang Mainland Cagayan, Isabela, Aurora, at Quezon dulot ng easterlies o ang mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko.

Inaasahang magdadala ang ITCZ, o ang linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres, ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region, Zamboanga Peninsula, Sarangani, at Surigao del Sur.

National

Sen. Robin, humingi ng paumanhin sa pahayag ni FPRRD na 'pagpatay sa 15 senador'

Pinag-ingat ng PAGASA ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, malaki rin ang tsansang magdulot ang ITCZ ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng Mindanao.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din ang inaasahang mararanasan sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng easterlies. 

Posible rin ang pagbaha o pagguho ng lupa sa naturang mga lugar tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).