Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso nitong Biyernes, Pebrero 14, hinikayat ni Vice President Sara Duterte ang publikong pahalagahan ang pagmamahalan at maging ang pagkakaisa.
Sa isang Facebook post, ipinahayag ng Office of the Vice President (OVP) ang kanilang pakikiisa sa Valentine’s Day.
“Nawa’y bigyan natin ng halaga ang pagmamahalan, pagkakaisa, at patuloy na malasakit sa ating pamilya, mga kaibigan, at komunidad,” anang OVP.
“Sa bawat hakbang na ating ginagawa, ipagpatuloy natin ang mas matibay na ugnayan upang magtagumpay tayo bilang isang bansa,” dagdag pa.
Ibinahagi rin ni Duterte ang naturang post ng kaniyang opisina at sinabing: “Sabay nating damhin ang halaga ng pagmamahalan kasama ang Office of the Vice President (OVP) sa pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.”