Muling naging laman ng mga balita ang isang Zoo sa America lalo na ngayong Valentine’s Day.
Taong 2011 nang simulan ng Bronx Zoo sa Amerika ang kanilang kakaibang pakulo upang makapag-move on daw ang mga taong brokenhearted dahil sa ex.
Ang pakulo kasi ng naturang zoo ay idinaan nila sa pamamagitan ng ipis.
Tinatayang nasa 56,000 mga ipis ang mayroon sa Bronx Zoo kung saan sa pamamagitan ng $15 na donation ay maaari mo nang ipangalan ang isang ipis sa iyong ex!
Pero hindi raw dito nagtatapos ang kanilang pakulo.
Matapos kasing pangalanan ang ipis ay puwede mo rin itong panoorin habang pinapakain sa mga alagang hayop sa nasabing Zoo.
Ayon pa sa Bronx Zoo, maaari ding i-expand ang package sa halagang $35 hanggang $80 kung saan sa halip na teddy bears, ay maaari kang makakuha ng beanie, fanny pack at plush toy ng naturang ipis.
Kalimitang nagsisimula ang nasabing programa ng Bronx Zoo mula Pebrero 5 upang maihabaol daw sa mismong Pebrero 14, Valentine’s day.