Ibinahagi ni DJ Jellie Aw ang dahilan sa likod ng pambubugbog umano sa kaniya ng fiancé niyang si Jam Ignacio.
Sa panayam ng ABS-CBN News nitong Biyernes, Pebrero 14, sinabi ni Jellie na sobrang seloso raw ng kaniyang fiancé.
“Sobrang seloso po kasi. Kahit maliit na bagay, talagang pinapalaki niya. Kahit po sa work ko, ‘pag may kumakaway sa akin, nagagalit siya,” lahad ni Jellie.
“Madali lang naman magpatawad, e,” pagpapatuloy pa niya. “Pero ‘yong ginawa niya sa akin, hindi ko makakalimutan ‘yon. Iba ‘yong trauma, e. Ang hirap matulog. Lagi kong naaalala ‘yong ginawa niya sa kain.”
Kaya panawagan niya kay Jam, “Harapin mo ‘yung ginawa mo sa akin.”
Sa kasalukuyan, lumapit na sa National Bureau of Investigation (NBI) si Jellie para humingi ng tulong. Pero wala pa ring pahayag o reaksiyon si Jam hinggil dito.
Matatandaang kumalat kamakailan ang mga larawan ni Jellie kung saan makikita ang mga bakas ng umano’y pambubugbog sa kaniya ni Jam.
BASAHIN: 'Papakulong kita!' Ex ni Karla Estrada, nambugbog ng jowa?