Binuweltahan ni Senador Bato dela Rosa ang naging pagtira raw sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., at sinabing nagpapahiwatig itong “somebody” ang kanilang Duterte-wing party PDP-Laban bilang “oposisyon.”
Sa kaniyang talumpati sa proclamation rally ng PDP-Laban nitong Huwebes, Pebrero 13, kinuwestiyon ni Dela Rosa ang pagtira raw sa kanila ni Marcos kahit na “nanahimik” umano sila noong Pebrero 11 o ang araw ng pagsisimula ng panahon ng kampanya para sa 2025 midterm elections.
“Sila yung nauna. Wala nang ginawa kundi tira nang tira sa atin. Tahimik na nga kami. We were giving you the moment. Sa inyo na yang February 11, at sa amin ang February 13. Pero bakit tayo tinitira?” giit ni Dela Rosa.
“Ibig bang sabihin, takot sila sa atin? Isa lang ang indicator diyan, kasi kung insignificant opposition tayo, ‘O bakit ko pakialaman kung sino sino sila? Bahala kayo. Mga insignificant kayo’,”
“Pero the mere fact that no less than the President of the Republic of the Philippines ang tumitira, ibig sabihin, we are somebody,” saad pa niya.
Matatandaang sa proclamation rally ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas noong Martes, Pebrero 11, iginiit ni Marcos na wala umano sa kaniyang mga iniendorsong kandidato sa pagkasendor ang nasangkot sa ilegal na giyera kontra droga o Oplan Tokhan at maging sa korapsyon noong Covid-19 pandemic.
MAKI-BALITA: PBBM, ibinida senatorial slate niya: 'Wala sa kanila ang may bahid ng dugo sa Tokhang!'