Nagbigay ng reaksiyon at komento ang showbiz insider na si Ogie Diaz tungkol sa nangyari kay Jellie Aw, ang fiancee ni Jam Ignacio na ex-boyfriend ng aktres at TV host na si Karla Estrada.
Ibinahagi kasi ni Jellie sa kaniyang Facebook post, Miyerkules, Pebrero 12, ang kalunos-lunos na nangyari sa kaniya sa kamay ng kaniyang fiance habang nasa loob daw sila ng sasakyan.
Maging ang kapatid ni Jellie na si Jo Aw, ibinahagi ang ilang mga larawan ng kaniyang kapatid na makikitang tila bugbog-sarado ang mukha.
Mababasa sa post ni Jo Aw, published as is, "BIGLA NA LANG PINAG SASAPAK, BINUGBOG HABANG PAUWI ATE KO, WALANG KALABAN LABAN SA LOOB NG NAKALOCK NA SASAKYAN."
"Una sa lahat kung ano man ginawa ng ate ko wala kang ni anong karapatan dampian ng kamay yung ate ko. ang kapal naman ng mukha mo 'JAM IGNACIO.'"
"Ni hindi makahingi ng tulong ate ko dahil kunuha mo yung cellphone, Buti na lang hindi nabasa yung RFID sa toll at nakasigaw yung ate ko pag baba ng bintana at nakahingi ng tulong sa TELLER sa toll gate, ngayon tinakbuhan mo yung mga pulis!
Wala kang awa!! Demonyo, mapapatay mo na ate ko."
MAKI-BALITA: Kapatid ni Jellie Aw kay Jam Ignacio: 'Wala kang awa! Demonyo!'
"Update po kay ate magpapamedical na kami ngayon and magrereport na sa pulis," aniya pa.
Shinare naman ni Ogie Diaz ang FB post ni Jo Aw at kinomentuhan. Ayon kay Ogie, ayaw raw niyang mag-judge subalit kailangan daw sagutin ni Jam ang mga akusasyon laban sa kaniya ng fiancee.
"Grabe! Buti na lang, nawalan ng laman ang RFID, kaya nakahingi ng tulong si Ate sa toll gate teller. Ayoko namang mag-judge, pero Jam Ignacio, harapin mo ito. O, doon sa mga women’s rights advocates nating mga tumatakbo diyan, baka pwede n’yong matulungan si ate. Eto na ang right timing na hinihintay n’yo," aniya.
Samantala, wala pang reaksiyon o opisyal na pahayag ang kampo ni Jam tungkol sa isyung pinakawalan laban sa kaniya ng kaniyang fiancee. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.
MAKI-BALITA: 'Papakulong kita!' Ex ni Karla Estrada, nambugbog ng jowa?