February 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Alex Calleja naglapag ng mga resibo, pumalag sa akusasyong 'nagnakaw ng jokes'

Alex Calleja naglapag ng mga resibo, pumalag sa akusasyong 'nagnakaw ng jokes'
Photo courtesy: Alex Calleja (FB)/Chito Francisco (IG) via PEP

Nagbigay na ng reaksiyon at komento ang stand-up comedian na si Alex Calleja hinggil sa pinag-usapang umano'y akusasyon sa kaniya ng comedy writer na si Chito Francisco patungkol sa isang joke na mapapanood sa "Tamang Panahon" stand-up comedy special sa Netflix.

Kasalukuyang nasa Top 1 ng Netflix ang nabanggit na comedy special ni Alex, natalo ang action series na "Incognito" na ilang linggo na ring namamayagpag sa nabanggit na online streaming platform.

UMANO'Y PASARING NI CHITO FRANCISCO LABAN KAY ALEX CALLEJA

Tila nagpatutsada raw ang comedy writer na si Chito laban kay Alex dahil sa isang joke na ginamit daw ng huli sa kaniyang "Tamang Panahon."

Tsika at Intriga

Iya Villania, aminadong nakaramdam ng takot sa panganganak

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, si Chito ay matagal nang nagsusulat para sa sitcom na "Pepito Manaloto" at gag show na "Bubble Gang," ilan sa mga nangungunang TV programs ng GMA Network.

Ang pinalagan umano ni Chito ay tungkol sa "carwash joke" ni Alex sa nabanggit na stand-up comedy special.

“Natuwa ako may bagong bukas na carwash. Katabi lang namin," hirit ni Alex.

“Tuwang-tuwa ako kasi walking distance lang siya. Hindi ko na kailangan magdala ng kotse.”

Sa pamamagitan naman ng kaniyang Facebook post ay nag-react dito si Chito, bagama't hindi niya direktang pinangalanan kung sino ang tinukoy niyang "pinoy stand up comedian."

“Nanood ako ng Netflix special ng isang pinoy stand up comedian. Ginamit yung isang joke ko. Well, marami pa ako niyan brod. Madami ka pa puwede nakawin.”

Naglabas pa raw ng mga resibo si Chito matapos niyang ilabas ang Facebook post niya noong Setyembre 14, 2019, na masasabing patungkol sa carwash joke. Hindi man eksaktong mga salita, subalit mapapansing tila may pagkakatulad nga ang tinutukoy na joke.

“Magpapa-carwash ako. E dahil malapit lang ang carwash, nilakad ko na lang. 'Di na ko nagdala ng sasakyan," mababasa rito.

Noong Setyembre 24, 2023 ay muling ibinahagi ni Chito ang nabanggit na joke. May caption pa itong “Luma na ’to, puwede 'nyo nang gamitin. My bad."

MAKI-BALITA: Comedy writer Chito Francisco, nagpasaring nga ba kay Alex Calleja dahil sa 'carwash joke?'

PAG-ALMA NI ALEX CALLEJA LABAN SA AKUSASYONG "NAGNAKAW SIYA NG JOKES"

Pebrero 11 ng gabi nang mag-Facebook post naman si Alex ng mga "resibo" o katibayang matagal na niyang ginagamit ang nabanggit na biro at pinasinungalingan ang mga akusasyong "nagnakaw siya ng jokes."

Ayon kay Alex, 2011 pa raw niya nagawan ng joke ang nabanggit na "carwash."

"Post ko lang dito ang carwash joke ko since 2011 na nagawa ko ng writer ako sa Usapang Lalake at Goin' Bulilit. Sa Goin' Bulilit kasi, may topic ang bawat gags at carwash ang topic namin. Hindi ata ito nasama sa final draft kaya ginamit ko sa standup at pinost sa social media ng 2011. Check niyo po ang screenshots. Sorry po wala pa ako masyado followers niyan ," giit ni Alex.

"Lagi ko ito jinojoke kaya naging paborito ng isang writer din na si Raymond Dimayuga. Nagpapasalamat ako sa pag acknowledge niya sa akin ng 2015 at 2016. Search niyo po sa FB, alex calleja at carwash. Gawin niyo din yun PEP PH," aniya pa sa entertainment site.

"Sa mundo po ng comedy writing, kapag may kaparehas o parallel joke ka sa isang comedian, may disenteng paraan po para magsabi ng parehas kayo. Ang tawag po dun ay pribadong usapan tulad ng cellphone at chat. Lahat po ay pwedeng pag-usapan ng pribado at hindi dinadaan sa social media. Hindi ko po alam ang intensyon para sabihan ako na 'nagnakaw ng jokes' pero ang nasa isip ko na lang ay ang kasabihang 'ang punong hitik sa bunga ay binabato' O, hindi po ako ang original niyan."

Sa huli, tila may paalala naman si Alex.

"Anyway, ingat po tayo sa salitang nakaw, may cyber libel po tayo at hindi yun joke. Remember, I have a friend..."

Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag tungkol dito si Chito Francisco. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.