February 12, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Comedy writer Chito Francisco, nagpasaring nga ba kay Alex Calleja dahil sa 'carwash joke?'

Comedy writer Chito Francisco, nagpasaring nga ba kay Alex Calleja dahil sa 'carwash joke?'
Photo courtesy: Chito Francisco (IG) via PEP/Alex Calleja (FB)

Usap-usapan ang tila patutsada raw ng comedy writer na si Chito Francisco sa stand-up comedian na si Alex Calleja, dahil sa isang joke na ginamit daw ng huli sa kaniyang "Tamang Panahon," stand-up comedy special na number 1 ngayon sa Netflix at tumalo sa namamayagpag na "Incognito."

Ayon sa ulat ng Philippine Entertainment Portal o PEP, si Chito ay matagal nang nagsusulat para sa sitcom na "Pepito Manaloto" at gag show na "Bubble Gang," ilan sa mga nangungunang TV programs ng GMA Network.

Ang pinalagan umano ni Chito ay tungkol sa "carwash joke" ni Alex sa nabanggit na stand-up comedy special.

“Natuwa ako may bagong bukas na carwash. Katabi lang namin," hirit ni Alex.

Tsika at Intriga

'Labag sa batas!' NHCP, sinita ang disenyo ng art card ni Dia Mate

“Tuwang-tuwa ako kasi walking distance lang siya. Hindi ko na kailangan magdala ng kotse.”

Sa pamamagitan naman ng kaniyang Facebook post ay nag-react dito si Chito, bagama't hindi niya direktang pinangalanan kung sino ang tinukoy niyang "pinoy stand up comedian."

“Nanood ako ng Netflix special ng isang pinoy stand up comedian. Ginamit yung isang joke ko. Well, marami pa ako niyan brod. Madami ka pa puwede nakawin.”

Photo courtesy: Screenshot from Chito Francisco (FB)/via PEP

Naglabas pa raw ng mga resibo si Chito matapos niyang ilabas ang Facebook post niya noong Setyembre 14, 2019, na masasabing patungkol sa carwash joke. Hindi man eksaktong mga salita, subalit mapapansing tila may pagkakatulad nga ang tinutukoy na joke.

“Magpapa-carwash ako. E dahil malapit lang ang carwash, nilakad ko na lang. 'Di na ko nagdala ng sasakyan," mababasa rito.

Noong Setyembre 24, 2023 ay muling ibinahagi ni Chito ang nabanggit na joke. May caption pa itong “Luma na ’to, puwede 'nyo nang gamitin."

"Eto yun e pero sabi ko pala puwede nyo na gamitin. My bad," aniya.

Photo courtesy: Screenshot from Chito Francisco (FB)/via PEP

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Alex patungkol sa sinasabing pasaring laban sa kaniya ni Chito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.