Marami sa mga netizen ang napapatanong kung nagkaayos na raw ba ang kontrobersiyal na celebrity couple na sina Andi Eigenmann at Philmar Alipayo matapos pag-usapan ang isang video, na makikitang nagla-lunch ang dalawa kasama ang kanilang pamilya sa isang restaurant sa Siargao.
Mapapanood sa video na naka-upload sa "Siargao Secret" ang pagsasalo-salo nina Andi at Philmar kung saan naispatan din ang batikang aktres na si Rosemarie Gil, lola ni Andi.
Tanging likod lang nina Andi at Philmar ang makikita sa video, kasama ang mga anak nila. Present din ang panganay na anak ni Andi na si Ellie, na anak nila ng aktor na si Jake Ejercito.
"Okay na! Simple away lang ! Be strong Andi and Philmar. Challenges ra jud na sa kinabuhing mag asawa," mababasa sa caption ng video, na inupload nitong Lunes, Pebrero 10.
Bukod dito, ibinahagi rin sa nabanggit na page ang mga larawan ni Rosemarie kasama ang mga anak ni Andi, na mula naman daw sa Instagram account ng huli.
Matatandaang lumikha ng ingay ang cryptic posts ng dalawa at tsikang nag-unfollowan ang mag-partner, matapos ibunyag ni Andi ang "couple tattoo" nina Philmar at girl best friend niyang si Pernilla Sjoo.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, pahayag, o kumpirmasyon ang dalawa kung talaga bang nagkaayos na sila. Bukas ang Balita sa kanilang panig.
MAKI-BALITA: Andi nagpaliwanag na kung bakit may pa-cryptic posts
MAKI-BALITA: Andi, banas kay 'friend' na may couple tattoo kay Philmar