Pinalagan ni Akbayan Partylist Representative Perci Cendaña ang komento ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na sinabing sasapakin daw siya nito.
Matatandaang nagbigay ng reaksiyon si Dela Rosa sa hirit ni Cendaña sa pahayag ni Vice President Sara Duterte patungkol sa impeachment nito.
MAKI-BALITA: Akbayan sa hirit ni VP Sara hinggil sa impeachment: ‘Teh, hindi ito usapang jowa!’
Ani Dela Rosa sa comment section ng Facebook page ng isang pahayagan, “Kanang imonang nawong gisagpa na sa dile ingun nato busa nahiwi. Duol dire nako beh kay akoy sagpa sa pikas nawong nimo para mabalanse ['Yang mukha mo, sinapak ng 'di natin alam kaya ngiwi. Lumapit ka nga dito kasi sasapakin kita sa kabilang mukha mo para balanse].”
Kaya sa Facebook post ni Cendaña nitong Sabado, Pebrero 8, pinasaringan niya ang umano’y taglay na tapang ni Dela Rosa.
“Mhie, sasapakin daw ako ng isang senador? Ang ‘tapang’ naman ni koya. Sana ganyan din siya katapang laban sa China sa WPS at sa pagharap sa ICC,” saad ni Cendaña.
Dagdag pa niya, “O baka naman iiyak na naman siya ng crocodile tears at kakaripas ng takbo, gaya ng pagtakbo niya noon sa hawak niyang paputok?”
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag o reaksiyon si Dela Rosa hinggil dito.
![](https://cdn.balita.net.ph/balita/uploads/images/2025/02/08/8708.jpg)