February 06, 2025

Home BALITA National

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA

3 weather systems, patuloy na nakaaapekto sa PH – PAGASA
Courtesy: PAGASA/website

Tatlong weather systems ang patuloy na nakaaapekto sa bansa ngayong Huwebes, Pebrero 6, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdudulot ang shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Visayas, Catanduanes, Albay, Sorsogon, Masbate, Romblon, Dinagat Islands, at Surigao del Norte.

Malaki naman ang tsansang magdudulot ang northeast monsoon o malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley, Aurora, Quezon, at mga natitirang bahagi ng Bicol Region.

Inaasahan ding magdadala ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ)—na tumutukoy sa linya kung saan nagtatagpo ang hangin mula sa northern at southern hemispheres—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa Davao Region at mga natitirang bahagi ng Caraga.

National

Romualdez sa mga kandidato sa eleksyon: ‘Campaign in the pursuit of purpose, not power’

Pinag-iingat ng weather bureau ang mga residente sa mga nasabing lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Samantala, inaasahan ding pagdudulot ang amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa bunsod pa rin ng ITCZ. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).