Nagbigay ng reaksiyon si showbiz insider Ogie Diaz kaugnay sa birada ng isang netizen na pinalagan ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach.
Matatandaang ibinahagi ni Pia sa kaniyang Instagram story ang direct message ng netizen sa kaniya na sana raw ay mag-file ng divorce ang mister niyang si Jeremy Jauncey dahil manggagamit umano siya.
“Just another day, another DM. Wild, right? C'mon people. Bagong taon na. Nag CNY pa. It's exhausting, and hurtful din ha. Let's stop normalizing this kind of online behavior,” saad ni Pia sa text caption.
Dagdag pa niya, “Out na natin yung ganito for 2025 and instead, let's be nice to each other and support and uplift one another."
MAKI-BALITA: Pia pumalag sa dasal na sana i-divorce siya ng mister na si Jeremy
Pero sa latest episode ng Showbiz Updates noong Martes, Pebrero 4, sinabi ni Ogie na kung siya raw si Pia ay hindi raw papatulan pa ang netizen.
“If I were Pia, hindi ko sasagutin ‘yon ganyan. Alam mo mas better, block that creature. Kasi nagpo-post ka pa ng ganyan, siyempre parang humihingi ka ng simpatya,” saad ni Ogie.
“Ako mismo nabubuwisit sa netizen na ‘yan,” pagpapatuloy niya. “Siyempre babawian ko ‘yan.’Huy, ikaw ha! Ba’t mo ginano’n si Pia blah blah.’ Mabo-bombard talaga siya.“
Dagdag pa ng showbiz insider, “Kaya lang ‘yong iba, na hindi naman ito alam kasi DM nga lang, ipinaalam mo sa kanila. Ang ending tuloy magkakaroon sila ng ideya, ‘A, ito pala ‘yong mga klase ng messages na pinapatulan ni Pia. Sige, gagawa ako ng mas malala dahil gusto kong patulan; gusto kong mapansin.’”
Ngunit hindi rin naman daw masisi ni Ogie si Pia dahil maging siya ay may gano’n din daw na ugali lalo na kapag gusto niyang pag-tripan.