Trending sa X ang Taiwanese superstar na si "Barbie Hsu" gayundin ang phenomenal series niyang "Meteor Garden" matapos ang balita ng kaniyang nakabibiglang pagpanaw, na sumambulat sa social media nitong Lunes, Pebrero 3.
Sinasabing Pebrero 2 daw ang petsa ng pagpanaw ni Barbie subalit Pebrero 3 ito kinumpirma sa media ng nakababatang kapatid ni Barbie na si Dee Hsu, Taiwanese TV host.
Ang dahilan daw ng pagkamatay ng aktres na sumikat nang husto dahil sa Meteor Garden, ay mga kumplikasyong dulot ng "influenza-related pneumonia."
Ayon sa ulat ng Strait Times, ang laman daw ng mensahe ni Dee sa media na nasa wikang Chinese, na isinalin sa wikang Ingles, "Thanks for all the concern. Over the Chinese New Year period, our entire family travelled to Japan for a holiday, and my most beloved, kindest elder sister Barbie caught influenza-related pneumonia and has unfortunately left us."
"I am thankful to be her sister in this life, and grateful that we have taken care of each other and kept each other company all these years. I will always be thankful to her and remember her. Shan (Barbie Hsu’s nickname), rest in peace. We love you always. Together remember forever.”
Naulila ni Barbie ang kaniyang mister na South Korean singer na si DJ Koo Jun-yup, at dalawang anak na isang 10-year-old daughter at 8-year-old son mula sa ex-husband na si Wang Xiaofei.
Inalala naman ng mga avid fan ng Meteor Garden ang phenomenal na pagganap ni Barbie bilang Shan Cai na talaga namang pumatok hindi lamang sa mga Pinoy kundi sa iba pang panig ng bansa; sa katunayan nga ay nagkaroon ng iba't ibang bersyon ng Meteor Garden dahil sa sobrang hit nito.
Dahil dito, trending sa X ang "Barbie Hsu" at "Meteor Garden" dahil sa pagsariwa ng mga netizen sa kaniya bilang si Shan Cai, kasama pa ang F4 na sina Jerry Yan (Dao Ming Xi), Vic Zhou (Hua Ze Lei), Ken Chu (Xi Men), at Vanness Wu (Mei Zuo).
Pero bukod sa Meteor Garden, ilan pa sa mga tumatak na shows ni Barbie ay ang "Eternity" (2003), "Mars" (2004), "The Ghost Inside (2005), Corner with Love" (2007), "Summer's Desire" (2010), at marami pang iba.
Markado rin ang kaniyang pelikulang "Connected" kung saan na-nominate pa siyang Best Actress sa Hong Kong Film Awards.
Pero nagwagi siyang Best Actress sa pelikulang "Croczilla" sa Macau International Movie Festival noong 2012.
Meteor Garden: phenomenal Asianovelang nagpakilig sa Pilipinas noong 2003
Noong 2001, isang Taiwanese drama na hango sa Japanese manga na "Hana Yori Dango," ang dumating sa Pilipinas at nagdulot ng hindi matatawarang kasikatan—Meteor Garden. Hindi ito ang unang Asian drama na umere sa bansa, ngunit ito ang nagpasimula ng matinding "Asianovela fever" na tumatak sa kulturang Pilipino.
Umeere na ang Meteor Garden sa Taiwan noong 2001, ngunit nang ipalabas ito sa Pilipinas noong 2003 sa ABS-CBN, biglang sumabog ang kasikatan nito. Ang kuwento ng mayamang grupo ng estudyante na tinatawag na F4 na nagpa-"powertrip" sa mga kakaya-kayanan nilang mga kapwa estudyante (at maging propesor) at ang kanilang love-hate relationship kay Shan Cai ay tumagos sa puso ng maraming Pilipino, lalo na ng kababaihan at mga kabataang nahumaling sa kanilang karisma.
Maituturing na penomenon ang Meteor Garden sa kasaysayan ng Philippine TV dahil halos lahat ay nakatutok dito pagsapit ng hapon sa Kapamilya Network, na naging dahilan para "mabulabog" ang karibal nilang GMA Network, kaya't naghanap din sila ng panapat na Asian drama (My MVP Valentine).
Nagkaroon pa nga ito ng part 2 na ang setting ay sa Barcelona, Spain kung saan nagkaroon pa ng third party sa pag-iibigan nina Shan Cai at Dao Ming Xi.
Ang epekto ng Meteor Garden ay lagpas sa simpleng panonood ng TV. Sa panahon ng pag-ere nito, naging bahagi ito ng pang-araw-araw na usapan sa eskwelahan, opisina, at tahanan. Sa tuwing papalapit na ang oras ng Meteor Garden, tila nagiging "ghost town" ang ilang lugar dahil ang lahat ay nakatutok nga sa kanilang telebisyon.
Ang F4 Craze at ang epekto nito sa entertainment industry at kulturang popular ng Pilipinas
Kasabay ng kasikatan at pamamayagpag ng serye, naging instant superstars ang F4 sa Pilipinas. Ang kanilang album, na naglalaman ng theme song na "Qing Fei De Yi", ay naging best-seller. Marami rin ang nagsimulang matutong kumanta ng Mandarin lyrics kahit hindi nila naiintindihan ang ibig sabihin nito. Ginaya rin ng marami ang hairstyle nila gayundin ang inilalagay na panyo ni Dao Ming Si sa kaniyang noo.
Nagkaroon ng sandamakmak na Meteor Garden-related merchandise—mula sa posters, songhits, notebooks, at keychains hanggang sa pirated VCDs at DVDs. Ang F4-themed items ay bumaha sa mga tiangge at malls. Dahil sa matinding suporta ng mga Pilipino, dumalaw ang F4 sa bansa para sa kanilang concert, na tinangkilik ng libo-libong tagahanga, na talaga namang isa sa mga inabangang concert noon.
Ang Meteor Garden ang nagbukas ng pinto para sa iba pang Asian dramas sa Pilipinas. Dahil sa tagumpay nito, sunod-sunod ang pagpasok ng iba pang Taiwanese, Korean, at Japanese dramas tulad ng Lovers in Paris, Princess Hours, Boys Over Flowers, at marami pang iba.
Hindi lamang ito isang simpleng drama sa telebisyon—bahagi na rin ito ng kasaysayan ng kulturang popular sa Pilipinas. Hanggang ngayon, nananatili itong iconic, at tuwing may rerun o remake, bumabalik ang alaala ng matinding kilig at saya na dala nito sa maraming Pilipino noong early 2000s. Sa katunayan, maging ang GMA Network ay nagpalabas na rin ng rerun nito. Ang ABS-CBN naman, patuloy na ipinalalabas ang iba pang bersyon nito sa ibang bansa gaya na lamang ng "Boys Over Flowers" ng South Korea, bersyon ng Thailand, at bersyon ng China.
Kahit nagsulputan na sa iba't ibang streaming sites ang Asian dramas lalo na sa South Korea, mananatiling espesyal ang Meteor Garden bilang orihinal na Asianovela fever na tumatak sa puso ng Pilipino.