February 01, 2025

Home BALITA Internasyonal

Lalaki sa India, kinatay umano ang sariling asawa; bangkay, pinakuluan at pinulbos

Lalaki sa India, kinatay umano ang sariling asawa; bangkay, pinakuluan at pinulbos
Photo courtesy: Pexels

Hindi na natagpuan ang bangkay ng isang babae sa India matapos umano siyang patayin at tadtarin ng kaniyang sariling asawa. 

Ayon sa ulat ng ilang international media outlets, naunang isuplong sa pulisya ng pamilya ng biktima na nawawala ito noong Enero 18, 2025, kung saan kasama pa raw nilang maghanap ang asawa nito at mismong suspek matapos igiit na naglayas ang misis matapos ang kanilang pag-aaway. 

Ilang araw matapos umano ang imbestigasyon ng pulisya, namataan sa CCTV footage na magkasama pa raw umuwi sa kanilang tahanan ang mag-asawa noong Enero 15, ngunit hindi na raw nakita ang biktima sa mga sumunod pang footage. Dito na nagpasyang ipatawag ng mga imbestigador ang suspek na kusang-loob daw inamin ang krimen. 

Batay umano sa salaysay ng suspek, nagkaroon sila ng pagtatalo ng biktima, dahilan upang saktan niya ang misis hanggang sa mapatay ito. Subalit, hindi lamang daw dito nagtapos ang malagim na sinapit ng biktima. 

Internasyonal

Isang Pinoy, kumpirmadong nasawi sa banggaan ng American airline at US Army helicopter

Dagdag pa ng suspek, chinop-chop niya ang mga labi ng kaniyang asawa sa banyo ng kanilang bahay at saka ito pinakuluan gamit ang pressure cooker. Dinurog din umano ng suspek ang buto ng biktima at itinapon sa isang lawa upang mapagtakpan ang anumang ebidensya. 

Naulila ng biktima ang kanilang dalawang anak na noo’y nasa bahay umano ng kanilang tiyahin ng mangyari ang krimen. 

Samantala, nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong homicide, destroying of evidence at cruelty against women by husband or in-law.