Ibinahagi ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, Enero 31, ang kaniyang naging pagbisita sa Banaue, Ifugao at pagbili roon ng mga sariwang gulay upang dalhin sa Maynila.
Sa isang Facebook post, inihayag ni Duterte na kasabay ng kaniyang naging pagbisita sa public market ng Banaue noong nakaraang buwan ng kaniyang “pakikibahagi sa mga aktibidad ng Office of the Vice President sa pagdiriwang nito ng ika-89 na Anibersaryo sa bayan ng Lagawe.”
“Namili tayo ng mga sariwang gulay doon na dinala ko pabalik sa Maynila. Nakakatuwa dahil mismong sa lugar lamang nila ito inaani,” ani Duterte.
Nanawagan din ang bise sa publikong tangkilikin ang mga lokal na negosyo sa Banaue.
“Hinihikayat ko ang mga bumibisita sa lugar na tangkilikin ang mga lokal na negosyo upang masuportahan ang kanilang lokal na ekonomiya,” saad ni Duterte.
“Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap sa amin,” dagdag pa niya.