Nagbigay ng reaksiyon ang labor leader at senatorial aspirant na si Jerome Adonis hinggil sa inaprubahang ₱200 na dagdag-sahod ng Kamara para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa buong bansa noong Huwebes, Enero 30.
Sa ikinasang kilos-protesta ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) sa Liwasang Bonifacio nitong Biyernes, Enero 31, hinamon ni Adonis si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
“Kulang pa ‘yan. Kulang na kulang ang ₱200,” saad ni Adonis. “Puwes Bongbong Marcos, hinahamon ka ng uring manggagawa na pirmahan mo as certified bill ang ₱200 para mapakinabangan na ‘yan ng mga manggagawang Pilipino.”
Dagdag pa niya, “Kaya mahalaga, itutuloy pa rin namin ang paglaban para sa nakakabuhay na sahod dahil ang totoong kailangan ng bawat pamilyang Pilipino ay 1200 kada araw.”
Sa kasalukuyan, nasa ₱645 ang daily minimum wage sa National Capital Region (NCR).
MAKI-BALITA: Minimum wage sa NCR, ₱645 na!
Ngunit ayon sa tala ng IBON Foundation, dapat nasa ₱1,223 umano ang sahod kada araw ng isang manggagawang may limang miyembro ang pamilya upang mabuhay nang disente.