January 31, 2025

Home BALITA Metro

Paaralan sa QC, nilinaw na 'di nila layuning pahirapan mga estudyante sa Bataan

Paaralan sa QC, nilinaw na 'di nila layuning pahirapan mga estudyante sa Bataan
Photo Courtesy: QC Government, Bestlink College of the Philippines (FB)

Nagbigay ng paglilinaw ang Bestlink College of the Philippines sa nauna nilang pahayag na inilabas kaugnay sa maling pamamalakad umano sa kanilang 23rd founding anniversary na ginanap sa Punta Belle, Hermosa, Bataan.

Matatandaang kumalat sa iba’t ibang social media platform ang mga larawan at video ng mga estudyanteng naglalakad sa bahagi ng Bataan gayundin ang mga testamento na marami umanong nahimatay dahil sa pagod at gutom sa ginanap na pagdiriwang.

Kaya sa latest Facebook post ng Bestlink noong Huwebes, Enero 30, sinabi nilang hindi raw pinabulaanan o itinanggi ng pamunuan ang nangyaring paglalakad, pagkapagod, pagkagutom, at pagkahilo na naranasan ng ibang mga estudyante sa naturang lugar.

“Sa katunayan, itinuturing ito ng Pamunuan bilang lehitimong sentimyento ng mga estudyanteng nakaranas ng mga pangyayaring iyon. Kung kaya, malinaw sa naunang pahayag na ang pinabubulaanan lamang ng Pamunuan ay ang mga ilang balita (some reports) bagaman hindi malinaw na nabanggit katulad ng kumalat na balitang may nasawi (casualty), nawawalang estudyante, umusok na bus at iba pa na wala naman talagang katotohanan na nangyari at pawang malisyoso, mapanira at gawa-gawa lamang na may layunin sirain ang imahe at reputasyon ng eskwelahan,” pahayag ng Bestlink.

Metro

Pasaherong hinoldap, patay matapos tumalon mula sa jeep; suspek, kinuyog!

Ayon sa kanila, sinigurado raw ng pamunuan na bago ilabas ang naunang pahayag ay nakauwi sa kani-kanilang tahanan nang ligtas ang mga estudyanteng sumama sa Bataan.

“Gayundin, malinaw sa naunang pahayag na nakikisimpatiya ang Pamunuan sa pinagdaanan ng mga estudyante, ng kanilang mga pamilya, at ng mga residente ng Hermosa, Bataan sa naging abala matapos ang nasabing kaganapan,” anila.

Dagdag pa ng Bestlink, wala raw silang hangarin na pahirapan ang kanilang mga estudyante dahil bago pa man matapos ang ganap ay sinabi na raw nila ang tamang direksiyon, pila, at paglabas papunta concert ground.

“Bilang paglilinaw, walang hangarin ang Pamunuan na pahirapan ang mga estudyante nito sa nangyaring paglalakad. Bago pa man matapos ang kaganapan ay binanggit na sa mga estudyante ang tamang direksyon, pila, at paglabas sa concert ground. Gayundin, malinaw sa mga nagmaneho ng bus ang oras ng kanilang pagdating sa pick-up area upang makasakay ang mga estudyante ng matiwasay,” paliwanag nila.

Kaya ang hindi raw pagsunod ng mga estudyante sa ibinigay nilang direksyon ang naging dahilan ng pagkalito at kaguluhan sa mga estudyante ng Bestlink.

Bukod dito, kasama ring klinaro ng paaralan na hindi raw mandatory ang paglalakad ng ibang estudyante kundi boluntaryo. Hindi rin daw nila pinagbubuntunan ng sisi ang mga transport provider dahil ang nangyari ay resulta ng hindi maayos na komunikasyon.

Sa huli, inako ng Bestlink ang responsibilidad sa lahat ng nangyari at humingi rin sila ng paumanhin sa mga naapektuhan.

Matatandaang sa kalagitnaan ng isyung ito ay naglabas ng pahayag ang Quezon City Government upang himukin ang mga paaralan na tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante sa pagsasagawa ng malakihang ganap tulad ng out-of-town celebration.

MAKI-BALITA: QC Government, nagpaalala sa mga paaralang nagsasagawa ng event