Inihayag ni Sister Mary John Mananzan ng St. Scholastica College Manila ang gampanin ng mga taong simbahan sa panahon ng krisis.
Sa kaniyang talumpati sa inorganisang kilos-protesta ng Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) sa Liwasang Bonifacio nitong Biyernes, Enero 31, sinabi ni Mananzan na dapat umanong lumahok ang mga taong simbahan sa iba’t ibang labang kinakaharap ng bayan.
“Dapat tayong mga taong simbahan, dapat tayong kasali sa laban ng bayan laban sa korupsiyon, laban sa kahirapan, laban sa kawalan ng pananagutan, laban sa katiwalian,” saad ni Mananzan.
Kaya naman ibinahagi rin niya ang kaniyang isinagot sa senado noong minsan umanong kuwestiyunin ang pagiging madre at aktibista niya.
“Alam n’yo po no’ng ako ay ni-redtag [...] sabi ng senado, ‘E bakit ka aktibista, madre ka?’ Sabi ko, madre nga ako kaya ako aktibista,” aniya.
Dagdag pa niya Mananzan, “Kaming mga taong simbahan are supposed to be the followers of Christ. Therefore, we’re also the option for the poor when they’re oppress; kapag sila’y pinagsasamantalahan; kapag sila’y inaabuso.”
Bukod sa pagtuligsa sa katiwalian at korupsiyon sa pamahalaan, ipinanawagan din ng iba’t ibang indibidwal at organisasyong nagsagawa ng kilos-protesta ang pagpapababa sa presyo ng bilihin at pagpapataas sa sahod ng mga manggagawa.
MAKI-BALITA: Senatorial aspirant Jerome Adonis sa ₱200 na dagdag-sahod: 'Kulang pa 'yan!'