Iniatas ni acting Albay Governor Baby Glenda Ong Bongao na i-half-mast ang watawat ng Pilipinas sa lahat ng mga opisina ng pamahalaan at pampublikong lugar sa buong lalawigan mula Pebrero 3 hanggang Pebrero 7, 2025 bilang pagbibigay-pugay at pagluluksa sa pagpanaw ni Albay 1st District Rep. Edcel Lagman.
Base sa Executive Order No. 10 na inilabas nitong Biyernes, Enero 31, inihayag ni Bongao na layunin ng pag-half-mast ng watawat ng Pilipinas sa Albay na magbigay ng respeto at pagkilala kay Lagman sa naging serbisyo nito hindi lamang sa mga residente ng lalawigan, ngunit maging sa lahat ng mga Pilipino.
“[This is] as a sign of respect, honor, and recognition of the incumbent First District Representative of Albay Hon. Edcel C. Lagman Sr. for his exemplary service to the Albayanos and the Filipino people,” ani Bongao sa executive order.
“Section 27 of the Rules and Regulations Implementing the Flag and Heraldic Code of the Philippines of the Republic Act No. 8491 states that the National Flag shall be flown at half-mast as a sign of mourning on all the buildings and places where it is displayed, as provided, on the day of the official announcement of the death of the member of the House of Representative for five (5) days,” dagdag pa.
Matatandaang nitong Huwebes, Enero 30, nang pumanaw si Lagman sa edad na 82 dahil daw sa cardiac arrest.
MAKI-BALITA: Albay 1st district Rep. Edcel Lagman, pumanaw na
Kilala si Lagman sa pagsusulong ng reproductive health law at pagtataguyod ng mga panukalang batas ukol sa human rights at gender equality. Kasama rin siya sa mga pangunahing may-akda ng Absolute Divorce Bill.