January 31, 2025

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Si Rep. Edcel Lagman at ang naging kontribusyon niya sa serbisyo publiko

BALITAnaw: Si Rep. Edcel Lagman at ang naging kontribusyon niya sa serbisyo publiko
Albay 1st district Representative at Liberal Party President Edcel Lagman (FB)

Nitong Huwebes, Enero 30, nang sumakabilang-buhay ang beteranong mambabatas at kilalang human rights defender na si Albay 1st district Representative at Liberal Party President Edcel Lagman.

MAKI-BALITA: Albay 1st district Rep. Edcel Lagman, pumanaw na

Si Lagman ay isang abogado at beteranong kongresista na kilala sa pagsusulong ng mga panukalang batas ukol sa karapatang pantao.

Base sa kaniyang opisyal na website, isinilang si Lagman noong Mayo 1, 1942, at lumaki sa Tabaco, Albay.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang pagbubuwis ng buhay ng SAF 44, isang dekada ang nakalipas

Natapos niya ang kaniyang Bachelor of Arts degree sa University of the Philippines noong 1962 bilang cum laude, at ang kaniyang Bachelor of Law degree noong 1966 sa parehong unibersidad.

Nang ideklara ang Batas Militar sa bansa, isa raw si Lagman sa mga tumindig para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa at labanan ang diktadura nang mga panahong iyon.

Nagsimula naman siyang pumasok sa gobyerno noong 1986 nang italaga siya ni dating Pangulong Cory Aquino bilang undersecretary ng Department of Budget and Management (DBM).

Taong 1987 nang magkaroon si Lagman ng puwesto sa Kongreso matapos niyang manalo bilang representante ng unang distrito ng Albay.

Nagtuloy-tuloy ang kaniyang pagsisilbi bilang mambabatas sa loob ng ilang mga magkakasunod na taon, mula 8th hanggang 10th Congress; mula 13th Congress hanggang 15th Congress; at mula 17th Congress hanggang sa kasalukuyang 19th Congress.

Sa gitna ng kaniyang matagal na panunungkulan sa Kongreso, tumatak ang kaniyang pangalan nang hawakan ang ilang major congressional committees tulad ng kanilang pagiging chairperson ng Appropriations noong 14th Congress,  Overseas Workers Affairs noong 13th Congress, Justice noong 10th Congress, at Agrarian Reform noong 8th Congress.

Nagsilbi siyang Senior Deputy Minority Leader noong 9th at 10th Congress, Deputy Majority Leader noong 13th Congress, at Minority Leader noong 15th Congress.

Bukod dito, nanungkulan din si Lagman bilang director ng Bantayog ng mga Bayani Foundation, at centennial president ng Rotary Club of South Triangle.

Naging principal convenor din siya ng MAKATAO (Mambabatas Para sa Karapatang Pantao) mula 17th Congress, at naging lider ng Magnificent 7 Opposition Bloc, na tinawag niya bilang nag-iisang “authentic, credible, and constructive opposition in the House of Representatives.”

Nagsilbi rin si Lagman bilang honorary chairman ng Families of Victims of Involuntary Disappearance at chairman emeritus ng Philippine Legislators Committee on Population and Development.

Dahil sa kaniyang naging mga kontribusyon sa Kongreso, kinilala si Lagman bilang “Most Outstanding Congressman” ng iba’t ibang organisasyon tulad ng The Philippines Free Press noong 1998, Consumer Welfare Foundation of the Philippines noong 9th Congress, at ng Makati School of Journalism and the Arts noong 10th Congress.

Kinilala rin siya ng European Parliamentary Forum on Population and Development noong Mayo 2012 at ng Asian Forum of Parliamentarians on Population and Development noong Oktubre 2012 bilang isang “International Legislative Champion” para sa kaniya raw mahalagang papel sa pagpapatibay ng isang reproductive health law sa Pilipinas. Nakatanggap din siya ng International EXCELL Award for Excellence in Leadership for Family Planning noong Enero 2016.

Bukod dito, naging Presidential Agrarian Reform Council (PARC) Awardee din si Lagman noong 1999; Golden Scroll Awardee for Public Service noong 2000; Mamamayan Ayaw sa Droga (MAD) Awardee noong 2000; at PARC Awardee sa 20th Anniversary ng CARP noong 2008.

Ngunit higit sa naturang mga pagkilala, isang maituturing daw na tagumpay ang pagsusulong ng kongresista ng mga batas para sa mga Pilipino.

Narito ang ilan sa mga batas na isinulong ni Lagman sa Kongreso:

* Anti-Torture Act (R.A. No. 9745)

* Compensation to Martial Law Victims (R.A. No. 10368)

* Responsible Parenthood and Reproductive Health Law (Republic Act No. 10354)

* Comprehensive Agrarian Reform Law (R.A. 6657) 

* Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (R.A. 9700)

* Criminalization of Enforced Disappearance (R.A. No. 10353)

* Free High School Education Act (R.A. No. 6655)

* Cheaper Medicines Act (R.A. No. 9502)

* Centenarian Act of 2016 granting additional benefits and privileges to Filipino Centenarians (R.A. No. 10868)

Matapos ianunsyo ng kaniyang anak na si Tabaco City Mayor Krisel Lagman ang pagpanaw ni Lagman sa edad na 82 nitong Huwebes ng gabi, bumuhos ang pagluluksa at pakikiramay mula sa kaniyang mga kasangga at kaibigan, pare-parehong ipinagmamalaki kung paano raw nagserbisyo at tumindig ang kongresista para ipaglaban ang karapatang pantao at hustisya para sa bawat api sa lipunan. 

BASAHIN: Ex-VP Leni, nagluksa sa pagpanaw ni Lagman: ‘Bicol lost a great son’

BASAHIN: LP kay Lagman: ‘Mananatili kang tanglaw sa laban para sa mas makatarungang Pilipinas’

BASAHIN: Hontiveros kay Lagman: 'Huwag kang mag-alala, kami ng buong sambayanan ang magtutuloy ng inyong laban'

BASAHIN: Romualdez, inalala dedikasyon ni Lagman para sa ‘human rights, good governance, social justice’

BASAHIN: Luke Espiritu sa pagpanaw ni Rep. Lagman: ‘Nalagasan tayo ng isang makataong lider’

BASAHIN: Gov. Bongao, iniatas pag-half-mast sa PH flag sa Albay bilang pagluluksa sa pagpanaw ni Lagman