Patay ang isang 56 taong gulang na babae matapos umano siyang pagnakawan sa sariling tahanan sa Ragay, Camarines Sur.
Ayon sa ulat ng Brigada Naga noong Biyernes, Enero 30, 2025, patay sa suffocation ang biktima matapos umano siyang takluban ng suspek ng unan ng mukha.
Lumalabas umano sa inisyal na imbestigasyon na nagising ang biktima habang nagnanakaw ang suspek sa kaniyang bahay.
Sa imbestigasyon ni PMAJ Ryan Bagasala, Officer in Charge ng Ragay Philippine National Police (PNP), bandang 1:00 ng hapon nangyari ang krimen kung saan natangay ng suspek ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga umano ng ₱3,000 at cash na tinatayang nasa ₱100K.
Samantala, hawak na ng mga awtoridad ang suspek na may dati na umanong record sa paggamit ng ilegal na droga.
Nahaharap sa robbery with homicide ang suspek.