Patay matapos pagraratratin ng bala si Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) cager Ken Segura sa bayan ng M’lang, North Cotabato.
Ayon sa ulat ng Brigada News nitong Huwebes, Enero 30, 2025, pauwi na umano si Segara habang mimaneho ang kaniyang sasakyan kasama ang kaniyang pamangkin nang tambangan umano sila ng isang puting sasakyan at pagbabarilin.
Nakaligtas naman sa naturang insidente ang pamangkin ni Segura matapos puntiryahin ng mga suspek ang tagilirang bahagi ng sasakyan. Lumalabas din umano sa imbestigasyon na galing sa isang invitational basketball league ang biktima na noo’y pauwi na raw sana.
Nagawa pang maisugod sa ospital ang biktima ngunit kinalauna’y nalagutan na ito ng hininga. Samantala, nakatakda namang ihatid sa Digos City, Davao del Sur ang mga labi ng biktima kung nasaan ang kaniyang pamilya.
Patuloy umano ang imbestigasyon ng pulisya sa posibleng motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga suspek.