Sugatan ang bagger mula sa isang mall matapos umano siyang saksakin ng jowa ng kaniyang katrabaho dahil sa bato-bato pick.
Ayon sa ulat RMN News, inabangan umano ng suspek sa ang biktima mula sa pinagtatrabahuhan nitong mall at saka sinaksak sa balikat. Lumalabas sa imbestigasyon na nauna na raw magpadala ng mensahe ang suspek bago isagawa ang krimen.
Dagdag pa ng mga awtoridad, tila hindi raw natuwa ang suspek nang pitikin ng biktima ang noo ng kaniyang jowa matapos tila matalo sa larong bato-bato pick. Nagpadala umano ng mensahe ang suspek sa biktima kung saan iginiit nito na may dapat daw silang pag-usapan. Laking gulat umano ng biktima na biglaan na lang daw siyang inundayan ng saksak ng naturang suspek.
Agad namang dinala sa ospital ang biktima habang kusang-loob naman umanong sumuko ang suspek, ilang oras matapos siyang magtangkang tumakas.