Inihayag ng Department of Health (DOH) na pumalo sa tinatayang 5,789 kasong kanilang naitala na may kaugnayan sa Influenza-like illness nitong buwan ng Enero 2025.
Mas mababa umano ito ng 54% kumpara sa naitala nilang mga kaso noong Enero 2024 na may 12,630 cases.
Ayon sa ahensya, kalimitang virus umano na nagkaroon ng manipestasyon ngayong buwan ay ang Influenza A at B, Enterovirus, Respiratory Syncytial Virus at Adenovirus.
"It’s a natural phenomenon po 'pag may Amihan na magkakaroon po talaga ng flu-like symptoms or flu. Syempre po alagaan natin ang ating mga katawan at natural lang po yun sa ganitong panahon po at magpabakuna po kayo," ani DOH Asec. Public Health Services Cluster Farwa Hombre sa isinagawang National Immunization Summit nitong Huwebes, Enero 30, 2025.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang ahensya sa publiko hinggil sa importansya ng pagpapabakuna.
"Ang influenza po is viral infection po siya, so hindi natin kailangan mag-antibiotic. Ang kailangan natin syempre prevention po kung kaya magpabakuna,” saad ni DOH National Immunization Program Manager Dr. Janis Bunoan-Macazo.