Nasakote ng pulisya ang isang lalaki at dating groom mula sa Calabanga, Camarines Sur matapos umanong i-blackmail ang kaniyang ex-fiancée upang makipagbalikan.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, natimbog ng Regional Anti-Cybercrime Unit-Bicol sa isinagawa nilang entrapment operation matapos umanong humingi ng tulong ang ex-bride na biktima.
Ayon umano sa biktima, ilang beses siyang pinagbabantaan ng suspek na ipapakalat ang mga maseselan at pribado niyang larawan sa social media kung hindi raw siya makikipagbalikan.
Batay sa salaysay ni Camarines Sur Anti-Cybercrime Response Team ng RACU Bicol na si Police Capt. Angelo Babagay, wala na raw planong makipagbalikan ang biktima matapos siyang hindi siputin ng suspek sa kanilang civil wedding.
"Naka-schedule na 'yong kasal nila sa sibil pero hindi dumating itong lalaki. Siya pa ang may ganang magalit. Wala raw 'yon budget ang rason nitong suspek don nagalit itong complainant so ang ganti naman nitong suspek may pananakot na," ani Babagay.
Nadakip ang suspek sa Quiapayo Church, na ilang layo ang metro sa tagpuan ng dating magkasintahan. Nahaharap ang "runaway groom" sa reklamong grave coercion at paglabag sa Violence against Women and their Children Act at Cybercrime Prevention Act.
Nakatakda rin umanong makasuhan sa paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act dahil sa mga nauna na raw nitong social media post.