January 31, 2025

Home BALITA National

Comprehensive sex education, mahalaga sa paglutas ng teenage pregnancy – Maza

Comprehensive sex education, mahalaga sa paglutas ng teenage pregnancy – Maza
Courtesy: Makabayan President Liza Maza/FB

Nagpahayag ng suporta si Makabayan President Liza Maza sa Comprehensive Sexual Education (CSE) bilang mahalagang sangkap daw sa paglutas ng teenage pregnancy sa bansa.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules, Enero 29, binanggit ni Maza ang tala ng pamahalaan kung saan mahigit 5% ng kababaihang may edad 15 hanggang 19 ang nabuntis noong 2022. 

“Nananatiling pinakamataas ang bilang ng mga nabubuntis na adolescents na 19 na taong gulang subalit lubhang nakakabahala ang 35% na paglaki ng mga nagbuntis sa edad na 15 pababa sa pagitan ng 2021 - 2022,” ani Maza.

“Mahalagang sangkap sa paglutas ng teenage pregnancy ang pagpapatupad ng Comprehensive Sex Education (CSE). Dapat itong maging siyentipiko at may pagsasaalang-alang sa kalagayan ng mga teenager lalo na sa rural areas kung saan mas malawak ang kahirapan at mas mataas ang bilang ng mga nabubuntis.”

National

Romualdez, inalala dedikasyon ni Lagman para sa ‘human rights, good governance, social justice’

“Dapat aralin ang mga salik sa maagang pagbubuntis. Kabilang dito ang pagtuon sa mga kabataan sa kanayunan na nahihirapang makapag-aral dahil sa lumalalang kahirapan at kawalan ng serbisyong panlipunan,” dagdag niya.

Binanggit din ng senatorial aspirant na dapat umanong bigyan ng pamahalaan ng sapat na pondo ang edukasyon at kalusugan para malabanan ang teenage pregnancy.

“The government should put its money where its mouth is. Hindi sapat na kunin sa GAD (Gender and Development) fund ang pondo para lutasin ang teenage pregnancy. Kailangang itaas ang pondo ayon sa minimum na international standard na 6% ng GDP (Gross Domestic Product) para sa edukasyon at 5% para sa kalusugan. Maglaan ng sapat at makabuluhang budget sa mga pampublikong paaralan at ospital para maging libre para sa mahihirap na kabataan,” saad ni Maza.

“Hindi dapat pagtubuan ng mga pribadong negosyo, gaya ng mga dambuhalang korporasyong pharmaceutical, ang CSE. Matagal na nilang pinagkakakitaan ang katawan ng kababaihan. Kaya naman tinututulan natin ang mga iskemang public-private partnership o PPP sa sektor ng edukasyon at kalusugan,” dagdag niya.

Samantala, iginiit ni Maza na dapat na raw itigil ang pagpapatupad ng family planning program na tinawag niyang “mapanupil” at ginagamit umano upang “kontrolin ang katawan ng babae at isisi sa kanya ang kahirapan.”

“Pakana ito ng imperyalismong US upang pangalagaan ang kanyang interes sa pamamagitan ng pagrenda sa paglaki ng populasyon sa kanyang mala-kolonya,” ani Maza.

“Sa progresibong CSE dapat pangunahing isinasaalang-alang ang desisyon ng kababaihan dahil sila ang nagbubuntis.

“At the core of a progressive CSE program should be the basic rights and welfare of women and girls, especially those from the marginalized sectors. Susi ang matino, maasahan, at maka-mamamayan ang gobyerno para maging matagumpay ito,” saad pa niya.

Inirerekomendang balita