Usap-usapan ng mga netizen ang isang biik sa Tanjay City, Negros Oriental dahil sa kakaibang hitsura nito, na tila sa tao ang mukha pati na ang tunog na nililikha nito.
Ayon sa ulat ng GMA Integrated News, maging ang may-ari na si Alfredo Cardinas Jr. ay nakaramdam ng takot nang masilayan na niya ang pang-apat sa walong biik na isinilang ng kaniyang alagang inahing baboy.
Kung titingnan daw kasi ang mukha ng biik ay parang sa isang tao ito, gayundin ang tunog na inilalabas nito, na parang sa bata naman.
Makalipas ang apat na oras matapos maipanganak ay namatay rin ang biik.
Hindi raw iyon ang unang beses na nagsilang ng kakaibang biik ang nabanggit na inahing baboy. May pagkakataon pa raw na nagsilang ito ng isang biik na tila may pakpak naman.
Sa panayam naman sa isang beterinaryo, maaaring premature ang biik o nagkaroon ng abnormalidad sa pagbubuntis ng inahing baboy.
Hindi rin daw posible na baka may ibang nakabuntis sa inahing baboy.