Naglabas na ng opisyal na pahayag ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) kaugnay sa pelikulang "Pepsi Paloma" ni Darryl Yap.
Mababasa sa inilabas na pahayag ng MTRCB nitong Miyerkules, Enero 29, na taliwas daw sa maling pahayag, nilinaw ng ahensiya na ang pelikulang Pepsi Paloma ay hindi totoong kasalukuyang nirerebyu dahil hindi pa raw kumpleto ang mga kinakailangang requirements sa isinumite ng PinoyFlix.
Nilinaw rin ng ahensiya na hindi tinanggap ng MTRCB Registration Unit ang mga materyales na isinumite ng kinatawan ng PinoyFlix sapagkat hiningan daw ng MTRCB Legal Affairs Division ang nasabing distributor ng sertipiko o clearance na walang nakabinbing kasong sibil mula sa Department of Justice (DOJ), at kasong administratibo naman sa Office of the City Prosecutor.
Bilang bahagi naman daw ng standard review process ng ahensiya, nakipag-ugnayan daw noong Martes, Enero 28 ang legal affairs division nila sa distributor upang ipabatid ang mga kulang na requirements.
Ginagawa raw ng MTRCB ang mga hakbang na ito para matiyak na ang lahat ng pelikula ay naaayon sa Presidential Decree No. 1986.
"Ang MTRCB ay naninindigan na hindi nito ipagsasantabi ang maling impormasyon at anumang paninirang maaaring makasira sa reputasyon at mandato nitong protektahan ang interes ng publiko."
"Ang anumang sadyang pagpapakalat ng maling impormasyon ay aaksyonan alinsunod sa batas," anila pa.
May dalawang bersyon ang opisyal na pahayag na nasa wikang Ingles at nasa wikang Filipino.
Naka-upload ang mga ito sa opisyal na Facebook page ng ahensiya.