Mariing binatikos ng mga opisyal ng Manila City Government at ng ilang mambabatas ang naglalabasang pekeng survey sa lungsod, na tinawag pa nilang isang desperadong aksyon ng mga kalaban sa politika ni Manila Mayor Honey Lacuna.
Ayon kay Manila City Administrator Bernie Ang, ang mga naglabasang pekeng survey sa lungsod ay insulto sa katalinuhan ng mga residente.
Partikular na tinukoy ni Ang ang ilang social media posts na nagsasaad na ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at mga empleyado ng Manila City Hall ay nagsagawa ng survey, kung saan lumitaw na napakalaki ng lamang ng isang kandidato, laban kay Lacuna.
Mariin naman na itong pinabulaanan ng PLM gayundin ng mga empleyado ng city hall.
Ayon sa PLM, nananatili ang kanilang non-partisan academic situation at ang prayoridad nila ay ang integridad, academic excellence at kapakanan ng mga miyembro ng kanilang komunidad.
"Purported surveys proliferating online involving alleged political preferences of PLM students are NOT sanctioned by the University and are NOT done by any duly- accredited student body or organization. PLM as a non-partisan educational institution does not authorize or allow any person or organization to conduct political or partisan surveys among members of its community," anito pa.
"The disparity or difference shown on the fake surveys is so ridiculous that no one in his right mind will believe them. This is a clear sign of desperation on the part of our political foes and we take this to mean that they have accepted defeat this early," giit naman ni Ang.
Siniguro din niya na ang mga empleyado ng city hall ay hindi kailan masasangkot sa politika dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa kanila.
Sa kaniyang panig, sinabi naman ni Atty. Princess Abante, pinuno ng Manila Public Information Office at tagapagsalita ni Lacuna, na ang pagpapalabas ng pekeng survey ay isa raw desperadong hakbang ng mga katunggali ni Lacuna.
"When an animal if frightened and in danger, it will do whatever it takes to escape," aniya pa.
Ganito rin naman ang pananaw nina Manila Congressmen Joel Chua ng District 3 at Rolan Valeriano ng District 2, hinggil sa isyu.
Sa kanilang pagdalo sa Balitaan ng MACHRA sa Manila Harbor View nitong Martes, sinabi ni Chua na ang tunay na survey ay makikita aniya sa mismong halalan sa Mayo 12.
"Desperate move," taguri naman dito ni Valeriano, na nagpahayag din ng paniniwala na walang magiging epekto sa resulta ng halalan ang naturang mga pekeng survey.