Iginiit ni Manila 3rd district Rep. Joel Chua ang kaniyang pagtutol sa inihaing panukalang “Death Penalty for Corruption Act” na naglalayong i-firing squad ang mga tiwaling opisyal ng gobyerno, dahil marahas daw itong parusa at labag sa Saligang Batas.
Matatandaang kamakailan lamang nang ihain ni Zamboanga 1st district Rep. Khymer Adas Olaso ang House Bill No. 11211 o Death Penalty for Corruption Act na may layuning panagutin ang lahat ng mga mapatutunayang korap na opisyal ng pamahalaan sa pamamagitan ng firing squad.
MAKI-BALITA: 'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap
MAKI-BALITA: Kilalanin ang mambabatas na nasa likod ng 'Death Penalty for Corruption Act'
Kaugnay nito, sa isinagawang Machra's Balitaan sa Harbor View nitong Martes, Enero 28, tinanong ng Balita si Chua hinggil sa kaniyang pananaw sa panukalang batas, at dito ay binanggit niyang nakapaloob sa Konstitusyon na bawal magpasa ng mga batas na “inhuman at cruel punishment.”
“Unang una, makikita mo, yung kaniyang suggestion ay inhuman at saka cruel punishment. ‘Yan po ay paglabag sa ating Saligang Batas. Nasa ating konstitusyon po ‘yan, na bawal po tayong magpapasa ng mga batas that is inhuman at saka cruel punishment. So doon pa lang po ay makikita natin na unconstitutional na o labag na sa ating Saligang Batas,” giit ni Chua.
“Pangalawa, ako po’y naniniwala na this is a form of class legislation. Dapat po i-categorize muna ito bilang heinous crime. So kapag pinasok po ito sa heinous crime, lahat ng magko-commit ng heinous crime, pwede siguro death penalty. Pero hindi naman po firing squad dahil ‘yan po ay makaluma na,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng mambabatas na ang pahayag at paghahain ng mga naturang klase ng panukalang batas ay “statement ng mga politiko na gusto lamang makakuha ng mga boto” lalo na raw ngayong panahon ng kampanya.
Pinayuhan din ni Chua ang kapwa niya mambabatas na si Olaso na basahin muna umano ang Saligang Batas bago maghain ng bagong batas sa Kamara.
“Syempre panahon ngayon ng kampanya, kaya ‘yan sinasabi. Pero siguro, mas maganda kung pag-aralan niya muna ang kaniyang sina-suggest, dahil nagsa-suggest ka ng labag sa Konstitusyon eh. So siguro mas magandang basahin niya muna yung Konstitusyon o yung Saligang Batas bago siya mag-suggest ng isang batas,” aniya.
Samantala, binanggit ni Chua na ang justice system umano ang higit na problema ngayon ng bansa na dapat pagtuunan ng pansin.
“Yung existing laws natin, mabigat na eh. Actually hindi naman yung parusa ang problema, ang problema natin ngayon is yung justice system. Karamihan po sa mga kababayan natin ang kinakatakot po lagi is yung justice system. Siguro yun po munang ayusin natin. Ibalik natin yung tiwala ng mga tao sa ating justice system,” saad ni Chua.
“Kasi sinasabi nga nila na kapag ikaw ay mahirap, talo ka na agad, kulong ka na agad. Pero kapag ikaw ay may kaya, lalo na kung magagaling at may kampanilya yung mga nakukuha mong abogado, may panggastos ka, eh medyo may mga paraan para maibaliktad o mapatagal yung kaso.”
“So sa tingin ko dapat ang ayusin muna ng ating bansa is yung justice system. Kasi kahit gaano kabigat yung parusa na ilalatag po natin, kung yung justice system natin ay hindi maayos, ang kawawa lang lagi ay yung mga walang kapasidad o yung mga mababa nating kababayan sa lipunan. So kahit gaano kabigat yan (parusa), kung hindi maayos ang ating justice system, eh balewala rin,” dagdag pa niya.
Matatandaang taong 2006 nang i-abolish ang death penalty sa bansa matapos lagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang isang batas na nagtatakda ng maximum punishment ngn mga krimen sa habang-buhay na pagkakakulong.