Matapos ianunsyo ni Big Brother sa flagship newscast ng GMA Network na "24 Oras" noong Lunes, Enero 27, na bubuksan niya ang pinto ng kaniyang bahay para sa chosen Star Magic at Sparkle artists sa Pinoy Big Brother: Celebrity Edition Collab, agad namang isinagawa ang contract signing sa pagitan ng ABS-CBN at GMA Network nitong Martes, Enero 28.
Dumalo sa makasaysayang kasunduang ito ang mga opisyal ng dalawang network. Mula sa GMA, naroon sina GMA Network President and Chief Executive Officer Gilberto Duavit Jr., GMA Network Senior Vice President for Programming, Talent Management, Worldwide and Support group and President and CEO of GMA Films Atty. Annette Gozon-Valdez, GMA Network Executive Committee Chairman Joel G. Jimenez, GMA Network First Vice President of Sparkle GMA Artist Center and Talent Development and Management Joy Marcelo, GMA Network Senior Assistant Vice President for Program Management Concie Agnes, GMA Network OIC for Program Management Department Mitzi Garcia at GMA Network Vice President for Corporate Communications Angela Javier-Cruz.
Samantala, kinatawan naman ng ABS-CBN sina ABS-CBN Chairman Mark Lopez, ABS-CBN President and Chief Executive Officer Carlo Katigbak, ABS-CBN Chief Operating Officer for Broadcast Cory Vidanes, ABS-CBN TV Production and Star Magic Head Laurenti Dyogi, ABS-CBN Group Chief Financial Officer Rick Tan Jr., PBB Supervising Producer Marcus Vinuya, at Vice President of Integrated Corporate Communications Kane Choa.
Bilang pagtatapos ng contract signing, nagbigay ng mensahe si Big Brother para sa ABS-CBN at GMA executives. Aniya, labis siyang nagpapasalamat sa pagsasanib-pwersang ito, na lalong magpapatibay sa pundasyon ng kaniyang bahay para sa mas maraming manonood.
“Mga minamahal kong Kapamilya at Kapuso executives, nais kong ipaabot ang aking maligayang pagbati sa naging makasaysayang kasunduang ito sa pagitan ng GMA at ABS-CBN Studios. Lubos ang aking pasasalamat sa lahat ng mga bumubuo ng GMA dahil sa pagsasanib-pwersang ito ay lalong titibay ang pundasyon ng aking bahay para sa mas maraming manonood na maabot ng inspirasyon at mga leksyon mula sa mga makukulay na kuwento ng mga Kapuso at Kapamilya housemates na aking patutuluyin.”
Dagdag pa niya, sabik na siyang makilala ang mga magiging bagong housemates mula sa Sparkle at Star Magic.
“Nasasabik na tuloy akong makilala silang lahat at maibahagi sa kanilang manonood ang kanilang kuwento. Makakaasa kayong lahat na ang bahay ko ay patuloy na magiging tahanan ng mga pangarap at makabuluhang pagsasama at pagkakaisa para sa Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition. Muli, maraming-maraming salamat sa inyong lahat.”
Ayon pa kina Robi at Bianca, abangan daw ang mga susunod na updates at announcements tungkol sa magiging official housemates at kung saang online platforms at channels mapapanood ang bagong edisyon ng PBB.
MAKI-BALITA: ABS-CBN, masaya sa bagong edisyon ng PBB kasama ang GMA
Mariah Ang