Patay na nang matagpuan ang mag-iina sa kanilang sariling tahanan sa Sitio Ugan, Barangay Lutac, Naga City, Cebu, nitong Lunes, Enero 27, 2025.
Ayon sa ulat ng RPN DYKC Cebu, agad umanong umalis sa crime scene ang suspek na live-in partner at ama ng mga biktima na si alyas "Carlo," 43 taong gulang at pinaniniwalaang nasa impluwensya ng ipinagbabawal na droga.
Pawang mga menor de edad umano ang dalawang anak ng suspek na 11-anyos at isang taong gulang, kasama ng kanilang ina na 32-anyos.
Batay umano sa kuwento ng ilang kapitbahay ng mga biktima, malimit daw nilang marinig na nagtatalo ang mag-live in partner sa hindi maliwanag na dahilan. Nanggaling na rin umano ang suspek sa rehabilitation center dahil sa paggamit niya ng ilegal na droga.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay kasalukuyan nang ikinakasa ng pulisya ang manhunt operation upang matimbog ang suspek na pinaniniwalaang nagtungo sa kagubatan sa kanilang lugar.
Ito ay isang developing story.