Patay nang natagpuan ang isang 69 taong gulang na lola matapos siyang mawala sa kasagsagan ng sunog sa Old Balara, Quezon City nitong Lunes, Enero 27, 2025.
Ayon sa ulat ng Super Radyo DZBB 594khz, kasama ang biktima sa kabahayang natupok ng apoy.
Lumalabas din umano sa imbestigasyon ng pulisya na inakala raw ng pamilya ng mga biktima na nakalabas na ang matanda matapos sumiklab ang nasabing sunog.
May binalikan daw ang biktima sa loob ng kanilang bahay kung saan hindi na raw ito nakalabas pa nang buhay dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, bunsod na rin ng light materials sa paligid.
Nakaantabay na rin umano ang Scene of the Crime Operative (SOCO) upang marekober na ang bangkay ng naturang biktima.