Isang bangkay ng lalaki ang natagpuang palutang-lutang sa ilog sa ilalim ng Abacan, Bridge, Angeles, Pampanga nitong Lunes, Enero 27, 2025.
Ayon sa ulat ng CLTV36, batay sa naging salaysay ng ina ng biktima sa mga awtoridad, hinihinalang tumalon ang biktima mula sa tulay pabagsak sa tubig sa ilalim nito.
Base pa rin umano sa naging kuwento ng ina ng biktima, inabutan pa raw niyang gising ang kaniyang anak bandang 3:00 ng umaga. Isang oras ang lumipas, bandang 4:00 naman ng madaling araw nang makakita raw siya ng mga patak ng dugo sa kanilang tahanan kung saan napansin na raw nilang nawawala ang biktima.
Malakas umano ang paniniwala ng pamilya ng biktima na wala raw foul play na nangyari sa pagkamatay nito lalo na't may history na raw ito ng suicide attempts.
Bunsod nito, tumanggi na rin ang kampo ng biktima na isailalim sa imbestigasyon ang bangkay ng lalaki.