Isa ang patay habang isa naman ang naiulat na sugatan sa alitan ng ilang empleyado ng isang resort sa Silang, Cavite.
Ayon sa ulat ng isang lokal na pahayagan, nangyari ang krimen noong Sabado, Enero 26, 2025, bandang 9:15 ng gabi kung saan nag-iinom umano ang tatlong suspek na sina alyas “Jabbar,” “Carlo” at “Rtico” na gumamit pa raw ng swimming pool sa naturang resort.
Dalawang katrabaho nila sa resort na sina Dionisio at Emilinda ang dumating upang sawayin ang tatlong suspek dahil kailangan na umano nilang linisin ang swimming pool, batay sa utos ng resort owner. Ito na raw ang simula ng motibo ng krimen matapos umalis ang tatlong suspek.
Binalikan ng grupo nina Jabbar ang dalawang nanitang kasamahan kung saan pinaputukan ni Carlo ng M-16 rifle si Dionisio sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan. Nagtamo rin ng tama ng bala si Emilinda sa kaniyang binti.
Nang bumulagta na sina Dionisio at Emilinda, inatake pa nina Jabbar at Carlo ang dalawa gamit naman umano ang bolo.
Agad ding tumakas sa crime scene sina Jabbar at Carlo habang nasakote naman agad ng pulisya si Rico.
Isinugod ang mga biktima sa ospital kung saan tuluyang binawian ng buhay si Dionisio. Samantala, nagkasa na rin ng manhunt operation ang pulisya para sa dalawa pang suspek.