Nagluluksa ang Philippine entertainment industry maging ang Philippine cinema sa pagpanaw ng tinaguriang “Queen of Philippine Cinema” at batikang aktres na si Gloria Romero.
Pumanaw si Romero noong Sabado, Enero 25, 2025 sa edad na 91 taong gulang ayon sa kumpirmasyon ng kaniyang anak na si Maritess Gutierrez.
KAUGNAY NA BALITA: Batikang aktres na si Gloria Romero, pumanaw na
Kaya naman sa pagpanaw ng isa sa mga haligi ng showbiz industry ng bansa, narito ang ilan sa mga naging tanyag na karakter ni Romero na tumatak sa masang Pilipino mula sa pelikula at teleserye.
Lola Magda (Magnifico)
Hindi maipagkakaila na isa ang pelikulang Magnifico sa nagpaiyak sa mga manonood kung saan isa ang karakter ni Gloria bilang “Lola Magda” sa niyakap at tumatak sa mga Pilipino. Si Lola Magda ang lola ni Jiro Manio bilang “Magnifico.” Isang matandaang may malubhang sakit na naghihintay na lamang ng kaniyang pagkamatay. Bagama’t mahina na ang pangangatawanan, si Lola Magda ang nagsilbing gabay ni Magnifico sa kaniyang kabataan.
Loleng (Tanging Yaman)
Isang ina na may Alzheimer’s disease naman ang tumatak sa publiko sa naging pagganap ni Gloria sa Tanging Yaman bilang “Loleng.” Siya ang ina ng tatlong magkakapatid na sina Danny, Art at Grace na may kaniya-kaniyang hindi pagkakaunawaan na pinalala pa ng hidwaan sa lupa at mana.
Sylvia (Rainbow Sunset)
Taong 2018 naman nang maiuwi pa ni Gloria ang Best Actress award sa Metro Manila Film Festival (MMFF) mula sa pelikulang Rainbow Sunset. Kilala ang karakter noon ni Sylvia bilang isang babaeng sumuporta sa sikreto at lihim na pagmamahal ng kaniyang asawa sa dati nitong pag-ibig sa kapuwa lalaki.
Rosa Santos/Divina (Moments of Love)
Isa ang naging karakter ni Gloria bilang Rosa Santos sa pelikulang Moments of Love na nagpatunay sa konsepto ng “reincarnation.” Umikot ang kuwento ng pelikula sa pagmamahalan nina Marco at Divina na hindi pinagtagpo ng panahon.
Doña Octavia (Kapag Langit ang Humatol)
Isang mayamang ina at kontrabida naman ang ginanapan ni Gloria sa “Kapag Langit ang Humatol” bilang Doña Octavia. Siya ang naging malaking hadlang sa pag-iibigan ng kaniyang anak na si Hector (Richard Gomez) at ang nabuntis niyang nobya na si Florida (Vilma Santos).
Doña Valeria (Sana’y Walang Wakas)
Kontrabidang tauhan din ang naging papel ni Gloria sa Sana’y Walang Wakas bilang Doña Valeria. Bilang isang matapobreng mayaman, isa si Doña Valeria sa mga nagsanhi ng sigalot at tensyon sa takbo ng buhay nina Christian, Arabella, Mary Ann at Leonardo.
Minerva (Palibhasa Lalake)
Mula sa pagiging bida at kontrabida, gumanap din sa sikat na sitcom si Gloria bilang Minerva na ina ni Amy. Naging kilala ang karakter ni Minerva bilang matalinong karakter at itinuturing ding isa mga simbolong modernong babae sa kaniyang panahon.
KAUGNAY NA BALITA: Amy Perez kay Gloria Romero: 'I will miss you'
Lola Gore (Daig Kayo ng Lola Ko)
Bumida rin sa isang fantaserye sa GMA network si Gloria bilang “Lola Gore” sa Daig Kayo ng Lola Ko. Baon ni Lola Gore ang iba’t ibang kuwento na nagtuturo ng kabutihang asal para sa mga kabataan. Tatlong beses ding nakatanggap ng parangal mula sa Philippine Movie Press Club (PMPC) ang nasabing fantaserye.
Ilan lamang ang mga ito sa maraming proyekto at sining na pinagbidahan ni Gloria na hindi matatawaran ang mga aral na iniwan sa mga manonood na Pilipino. Ikaw? Anong karakter ni Gloria Romero ang tumatak sa iyo?