Ibinahagi ni “Prinsesa ng City Jail” star Kempee De Leon ang kuwento sa likod ng pagkakaayos nila ng ama niyang si Henyo Master Joey De Leon.
Sa latest episode ng “Fast Talk with Boy Abunda” noong Biyernes, Enero 24, sinabi ni Kempee na humingi raw siya ng lakas ng loob sa Diyos bago niya hinarap ang tatay niya.
“Pinuntahan ko siya sa ‘Eat Bulaga.’ Father’s day. Si Daddy nakaupo do’n sa audience. He was holding the mic. [...] Sabi ko, ‘Lord ikaw na ‘to ha. Ito na,’” lahad ni Kempee.
“[Sabi niya], ‘o?’ Tapos total silence. Wala siyang sinabi. Lumapit ako, niyakap ko na lang. ‘Happy father’s day, ‘Dy,’ sabi ko. Binati lang kita. Sinadya talaga kita,” wika niya.
Dagdag pa niya, “Wala na akong ibang inisip, Tito Boy, that time na hindi ko nabanggit ‘yong problema kahit siya. Kumbaga nangyari na lang bigla by God’s grace. Kuwentuhan lang kami. Casual na kuwentuhan. Hanggang sa natapos ‘yong show hindi na siya bumalik. Hinatid ko siya sa kotse.”
At nang makasakay na raw si Joey sa kotse, mul raw itong bumaba para lumapit kay Kempee at umapir. Doon niya raw naramdaman na maayos na silang mag-ama.
“Salamat po, Lord. Ikaw ‘to, hindi ako. Ikaw ang gumawa ng way. Your timing si perfect sabi nga,” aniya.
Matatandaang nagsimulang ilayo ni Kempee ang sarili sa ama noong tanggalin siya sa “Eat Bulaga” noong 2019 matapos magsilbing host sa loob ng 14 na taon.