Nagtamo ng saksak sa likod ang isang lalaki matapos siyang pagselosan ng kaniyang kainuman sa Purok Masipag, Brgy. Antipuluan, Narra Palawan.
Kinilala ang biktima na si Benny Valenzuela Jr., 34 taong gulang na nakipag-apir lang daw sa asawa ng 36 anyos na suspek.
Ayon sa ulat ng 104.7 XFM Palawan, nangyari ang pananaksak nitong Huwebes ng gabi, Enero 23, 2025. Nag-iinuman umano ang biktima at suspek nang magkaasaran at nakipag-apir ang biktima sa asawa ng suspek na si alyas Louiela.
Nang maramdaman umano ng biktima na tila nagseselos na ang suspek, sinubukan na raw niyang umuwi. Pauwi na umano ang biktima nang sundan siya ng suspek at saka inundayan ng saksak.
Samantala, agad daw nakatakbo ang suspek na pinaghahahanap na ng mga awtoridad.