Pumanaw na ang suspek sa pagkamatay ng 84 anyos na lola na sinilaban sa Carcar, Cebu.
Ayon sa mga ulat, namatay sa impeksyon sa kaniyang lalamunan ang suspek habang siya ay nasa kulungan. Lumalabas sa imbestigasyon na nilunok umano niya ang piraso ng handle ng isang toilet brush.
Matatandaang pumanaw na ang sinilaban niyang biyenan noong Enero 17, 2025 matapos ang ilang araw niyang pananatili sa ospital.
KAUGNAY NA BALITA: Lolang sinilaban ng manugang sa Cebu, pumanaw na
Naging usap-usapan ang ginawa ng nasabing suspek sa kaniyang biyenan matapos kumalat ang video kung saan makikita kung paano niya binuhusan ng gasolina ang matanda at saka sinilaban habang naglalaba.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya na dati raw may hidwaan ang biktima at ang suspek na siya raw naging motibo nito upang pag-initan ang matanda.
KAUGNAY NA BALITA: 84-anyos na lola, minaltrato ng manugang; sinilaban ng buhay!
Samantala, pareho na raw nakaburol ang suspek at biktima sa magkahiwalay na lugar at nakatakda na ring ilibing ngayong Linggo.