Arestado ang 24 taong gulang na lalaki na hinihinalang ginahasa ang 15 anyos na dalagita sa Baseco, Maynila.
Sa panayam ng ABS-CBN News sa Baseco police, nakikipag-inuman ang suspek at ang jowa ng biktima nang mangyari ang insidente.
“In the course of their drinking, ito raw suspek, pumasok sa kwarto ng biktima at yung biktima, nagising nga po siya dahil somebody was kissing her,” ani Police Lt. Col. Emmanuel Gomez.
Bagama’t isinara na ng biktima ang pinto ng kaniyang kuwarto, muli umano itong binalikan ng suspek kung saan tuluyan na raw nitong ginahasa ang dalagita.
“Second time around umakyat uli siya. Doon na niya pwinersa ang sitwasyon, pinilit lumaban o humingi ng tulong ang biktima ngunit di na niya nagawa. Nangyari po yung karumal-dumal na intensyon dito sa biktima,” saad ni Gomez.
Agad umanong nagsumbong ang biktima sa kaniyang magulang at kinakasama kung kaya’t agad na nasakote ng pulisya ang suspek. Samantala, itinanggi naman ng suspek ang alegasyon ng dalagita.
“Hindi po yun totoo… masaya lang naman kami nag-iinuman. Tapos paggising ko, sabi ganun na raw ginawa,” anang suspek.
Kasalukuyan ng nasa kustodiya ng Baseco Police Station ang suspek na nahaharap sa reklamong statutory rape.