Ibinahagi ni Ultimate Star Jennylyn Mercado ang kauna-unahan niyang TV appearance kung saan niya nakaeksena si award-winning actor John Lloyd Cruz.
Sa isang vlog kasing ibinahagi ng GMA Network kamakailan, sinariwa ni Jennylyn ang ilang old videos niya kabilang na nga ang TV appearance niya sa “Kay Tagal Kang Hinintay.”
Ito ay teleserye ng ABS-CBN na nagsimula umere noong 2002 hangang 2003 na pinagbidahan ni John Lloyd kasama sina Lorna Tolentino at Bea Alonzo.
"'Yong eksena namin ni John Lloyd, ito 'yong pinakauna kong guest appearance. Wala pa ako sa StarStruck noon, so parang ang Tita Becky [Aguila] ang sabi lang e, kailangan ng kaeksena ni John Lloyd," lahad ni Jennylyn.
Dagdag pa niya, "Akala ko naman extra lang ako, maglalakad lang ako ganyan tapos mag-hi or nabangga lang. 'Di ko naman alam na pagseselosan pala ako ni Bea dito with English lines."
Matatandaang makalipas ang higit isang dekada ay muling nagkatrabaho sina Jennylyn at John Lloyd sa rom-com movie na “Just The 3 Of Us” noong 2016.