Nagluluksa ngayon ang isang fur parent sa Iloilo City sa pagkamatay ng kaniyang asong sinaksak umano ng ice pick ng isang lalaking dumayo sa kanilang lugar para maki-birthday.
Base sa ulat ng GMA Regional TV, ibinahagi ni Vilma Ubaldo, fur parent ng asong si “Oreo,” na nangyari ang malungkot na pagkamatay nito noong Lunes, Enero 20.
Nang araw na iyon, umuwi raw si Oreo na may dugo na sa kaniyang katawan, at nasawi rin agad habang hawak-hawak siya ni Vilma.
Hindi matanggap ng pamilya ang nangyari lalo na’t lumalabas lamang daw si Oreo para umihi o dumumi.
Nagkaroon umano ng tama si Oreo ng saksak ng ice pick na umabot hanggang sa kaniyang bituka. Bukod dito, nakitaan din ng bali ang kaniyang tadyang.
Dagdag ng ulat, isinaysay ng mga saksi na sinaksak si Oreo ng isang lalaking dumayo lamang sa kanilang lugar upang dumalo sa isang birthday party.
Nagsampa na ng reklamo sina Vilma sa barangay, at disidido raw silang sampahan ng kaso ang lalaki sa paglabag sa Animal Welfare Act.