Patay ang isang motorcycle rider nang bumangga sa isang boundary post sa Teresa, Rizal, nitong Miyerkules, Enero 22.
Dead on arrival sa Rizal Provincial Hospital ang biktimang si alyas 'Mark' dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Batay sa ulat ng Teresa Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa Corazon C. Aquino Avenue, sa Brgy. Prinza, Teresa.
Nauna rito, minamaneho umano ng biktima ang kaniyang kulay gray na Honda beat motorcycle mula sa Antipolo City patungong Morong, Rizal.
Gayunman, pagsapit sa pagitan ng Teresa at Morong, sa Rizal ay bigla na lang itong sumalpok sa isang boundary post na agaran niyang ikinasawi.
Ayon sa pulisya, nakarekober sila sa lugar ng anim na pakete ng mga hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana ngunit hindi pa malinaw kung pagma-may-ari ito ng biktima.