Patuloy pa ring nakaaapekto sa bansa ang tatlong weather systems na northeast monsoon o amihan, shear line, at easterlies, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes, Enero 23.
Sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang shear line—na tumutukoy sa linya kung saan nagsasalubong ang mainit at malamig na hangin—ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa Bicol Region, Quezon, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Aklan, Capiz, at Northern Samar.
Malaki naman ang tsansang magdudulot ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa SOCCSKSARGEN, Davao Region, Eastern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi.
Pinag-iingat ng PAGASA ang nasabing mga lugar sa posibleng pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Samantala, inaasahang magdadala ang malamig na hanging amihan ng maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang mga pag-ulan sa Cagayan Valley at Aurora; at maging ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at mga natitirang bahagi ng Central Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.
Medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms din naman ang inaasahang mararanasan sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil pa rin sa easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.
Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).